Ni Melchor F. Cichon
Inay, pwede na ba tayong magpamisa?
Total umaambon na at ang baha’y wala na sa kalsada.
Ang kidlat na minsang humiwa ng langit ay napatay na.
Ang kulog na noo’y bumabayo sa aking dibdib ay tumahan na rin
At ang dalampasigang nagwawala noo’y naghihilik na.
Ang bahagharing nagtatago sa kidlat at sa signal number 5 na hangin
Ay ngumingiti na sa silangan.
(Magkano na nga ba ang bayad sa misa rikyem?
Si Padre Salve ba’y humihingi pa rin ng down payment
Bago niya isuot ang kanyang sutana?)
Suyurin natin sa kalsada, sa taniman, sa kagubatan
Yaong mga silahis na nangagkabali, nangagkahulog
Sa paglusot sa makapal at maitim na ulap
Mahasikan lang tayo ng liwanag.
Kapag nakita natin sila
Handugan natin sila ng sariwa’t bagong pamukadkad na sampaguita.
Kung may maipon na tayong pera,
Patayuan natin sila ng granating rebolto sa plasa.
Toto, huwag muna tayong magpamisa.
Ang bukangliwayway ay rumagagiit pa
At ang kalangitan sa gilid ng abot-tanaw
Sa paglubog ng araw ay mapula-pula pa.
Bukod rito, bumabaha pa ang dagsa sa karsada at sa plasa.
Hindi raw ito malinis ng Metro Aide
Dahil sinipa na sila,
Dahil ang nakalaang sahod nila’y
Ipinasok sa bulsa ng iba.
Toto, mabuti pa’y magdasal na lang muna tayo
Na ang nakalusot sa silahis
Sa maitim at makapal na ulap
Ay hindi tumusok sa ating puso.
Na ang nakalusot sa silahis
Sa maitim at makapal na ulap
Ay hindi tumusok sa ating puso.
No comments:
Post a Comment