Silakbo
Ni Melchor
F. Cichon
Revised:
May 17, 2015
"Isang dalaga ang nakitang
patay malapit sa isang imburnal sa Jaro. Ang bangkay ay nakasilid sa
sako..."
Ito ang mga salitang gumulat sa akin
mula kay Agent K ng Bombo Radyo pagkatapos kong buksan ang radyo sa utos ni
Nanay.
"Lintik na babae 'yon a, alas
siyete na ng gabi, hindi pa umuuwi," mula sa bibig ni Nanay.
"Sabi niya kaninang umaga, bibili lang daw siya ng libro tungkol sa mental
health pero hindi naman siya dumaan sa opisina ko kaninang hapon upang kunin
ang pera."
Isang clerk si Nanay sa munisipyo ng
Lezo. Kwarinta anyos na siya. Hanggang
balikat ang buhok niya at laging pustora kung pumapasok sa opisina.
“Baka may pinuntahan lang si Inday,
‘Nay,” sabi ko.
Nag-aaral
si Inday sa Iloilo National High School. Fourth year. Irregular. Bumagsak siya sa
kanyang math at geometry noong nakaraang taon. Noong nakaraang taong ding 'yon, siya ang editor-in-chief
ng kanilang school organ.
Kung
minsan sinasabi niya sa akin na hindi raw siya makapag-aaral sa bahay dahil
walang preno kung pinapagalitan ni Nanay. Kahit sa oras ng pagkain. Para maiwasan ang gulo, hindi
na lang kami sumasabay sa kanya sa pananghalian at hapunan. Kesyo hindi raw kami nag-aral. Kesyo alas-otso pa lang ng gabi, matutulog na kami. Pero kung Sabado ng gabi, kahit tumitilaok
na ang mga manok, nakatunganga pa rin kami sa computer. Kesyo hindi raw kami nagigising kung hindi
gigisingin. Kesyo doon pa lang kami lalabas ng kwarto kapag nakahanda na ang pagkain sa
lamesa at mag-uunahan sa CR kapag tapos na kaming kumain. Sayang lang daw ang ginagasta
niya sa aming pag-aaral. Parang wala daw kaming utang na loob sa kanya. Kung
iisipin naming mabuti, medyo may dahilan din naman si Nanay sa pagsesermon
sa amin. 'Yon nga lang, asiwang-asiwa na
si Inday sa bunganga ni Nanay.
"Itsong!" tawag sa akin ni
Nanay. "Silipin mo nga sa bintana kung dumating na ang malditang 'yon.
Malilintikan sa akin 'yon pagdating niya."
Tiningnan ko kung nariyan na si
Inday.
"Wala pa, Nay."
Bumaba
ako ng bahay at pumunta sa bandang kalsada. Mga kinse metro siguro ang
distansya magmula sa bahay namin. Nasa loob-looban pa kasi ang aming bahay at
tinatabunan pa ng mga punong saging. Tiningnan ko ang kalayuan ng kalsada.
Ngunit wala akong nakitang Inday. Si Lola Weta, ang nakita ko, ang Nanay ni
Nanay.
"Bakit narito ka pa sa kalsada?
Gabi na a," tanong ni Lola Weta. Inabot ko ang kanyang kanang kamay para magmano.
"Kaawaan ka ng Diyos."
"Tinitingnan ko kung dumating
na si Inday. Hindi pa siya nakauwi. Galit na si Nanay."
"Bakit, saan ba nagpunta si
Inday?"
"Ewan ko."
"Bakit? Pinagalitan na naman ba
siya ng Nanay mo?"
"Ewan, hindi ko alam."
May humintong traysikad malapit sa
amin.
"O, hayan na pala siya."
Sinalubong ko si Inday.
"Hala ka, Inday," sabi ko.
"Papagalitan ka ng Nanay. Gabi ka na sa pag-uwi." Inakbayan lamang
ako ni Inday at hinalikan sa pisngi.
“Mukhang mabango ka ah,” sabi ni
Inday. “Nakipag-inuman ka na naman ba?”
“Oo, pero isang lapad lang naman
yon. Kaarawan kasi ng katropa ko, si Budoy.”
"Ay! si Lola Weta pala!
Magandang gabi, po. Mano po."
"Kaawaan ka ng Diyos,"
sambit ni Lola Weta. "Saan ka ba galing at ginabi ka?"
"Sa kaklase ko. May ginawa kasi
kaming assignment."
"Pagpasensiyahan mo na lang si
Nanay mo, baka may problema lang."
"Opo, Lola."
"O, sige umuwi na kayo."
"Bye, Lola. Tayo na,
Tsong."
Pagdating ng pagdating namin sa
bahay, pumutok agad ang bulkan ni Nanay. Umupo ako sa sopa, si Inday ay
nanatiling nakatayo, malapit sa akin. Hinubad niya ang kaniyang sapatos.
Nakasabit pa rin sa balikat niya ang kanyang bag.
"Ay,
naku babae ka! Ayaw mo talagang sumunod sa mga sinasabi ko, ha? Hindi mo ba alam na kanina pa kami naghihintay
sa iyo? Akala namin may masamang nangyari sa iyo. Alam mo rin siguro na marami
nang mga babaing niri-rape ngayon at inilalagay sa sako pagkatapos patayin!
Gusto mo bang mangyari din yan sa iyo? Gawin mo pa ito uli at ako na ang
maglalagay sa ‘yo sa sako. Alam ko pa kung saang lupalop kita pupulutin."
Tahimik lang si Inday.
Pero nagbuga uli ang bulkan ni
Nanay.
"At ano yong nabalitaan ko kay
Mareng Pilay sa madyungan na naglandi ka raw sa plasa noong nakaraang araw?
Hoy, babae! Hindi ka pa nga marunong
magsaing, nagkipagkiringking ka na!"
Binagsak ni Inday ang kanyang bag
sa sopa. Kumalat ang mga lamang libro at bolpen.
"Aba! Aba!" patuloy ni
Nanay. "Aba, at ikaw pa itong matapang ha! Lumapit ka nga dito at
hihilahin ko 'yang bibig mo."
Hindi tuminag si Inday sa kanyang
kinatatayuan. Pero nakita ko ang pagpula ng kanyang mukha.
"Sa
totoo lang, Nay, asiwang-asiwa na talaga ako sa bunganga ninyo. Tantanan na
ninyo ako para makapagpahinga na ang utak ko. Hindi pa nga ako nakaupo niratrat
na ninyo ako. Hindi pa nga ninyo alam kung saan ako galing, siningalan na ninyo
ako agad. At tungkol sa sumbong ni Nay Pilay, hindi 'yan totoo. Ang totoo ay
may gusto sa akin ang kanyang anak na si Rey, pero hindi ko naman siya gusto.
Hay skul pa nga lang ako. Ano ako, karneng kaladkarin? Manigas siya! Siguro
nagsumbong ang mabait niyang anak sa kaniyang Nanay na may dilang butiki at ganoon
na lang ang arangka niya sa inyo. At ganoon din ang paniwala ninyo sa kanya."
"Siya, siya, totoo man o hindi
basta ang gusto ko'y umuwi ka nang maaga para hindi kami mag-alala sa yo.
Tapos!"
"Pero, Nay, intindihin rin
ninyo ang aking sitwasyon. Kung umuuwi ako nang wala sa tamang oras, huwag
ninyong isipin kaagad na naglalandi ako. Alam ninyo namang wala kayong
cellphone o telepono man lang sa bahay,
paano ko sasabihin sa inyo na may importante akong pupuntahan? Okey lang sana kung may sobra ang aking baon
pwede akong umuwi rito at magpaalam. Umiinom na nga lang ako ng tubig para
itulak ang meryendang banana-q para may pambili ako ng hand-outs sa klase. At
kung magpaalam ako, hindi ka naman papayag."
"Bakit hindi kung sa ikabubuti
mo rin."
"Para rin naman sa kabutihan ko
ang pinuntahan ko kanina. Ginawa namin ng kaklase ko ang assignment namin sa
physics. Alam mo namang mahina ako sa subject na 'yon. Kung narito sana si
Tatay matutulungan niya ako. Pero wala siya. E, sino ang hihingan ko ng tulong?
Siyempre ang kaklase ko. Alangan namang sa inyo ako patutulong eh English naman
ang major ninyo. At kung dito ko gagawin sa bahay, hindi rin ako maka-concentrate dahil pangaral kayo
nang pangaral. Kung may bisita lang tumatahimik ang bahay natin. Pero kung
wala..."
“Anong malay ko. Wala naman ako roon
sa pinuntahan mo! Isa pa, babae ka!”
“Kaya pala. Eh, ano naman kung babae
ako? Porke, babae, hindi na ako
makakalakad? Yan ang hirap sa atin dahil kung babae ka, halos tatalian ka na. Ano na lang ang
mangyayari sa atin kung palaging sa
bahay ang mga babae? Dahil dyan, hindi
na tayo umuunlad, dahil hindi natin binibigyan ng pagkakataon
ang mga babae na ipakita ang kanilang kakayahang ipaglaban ang kanilang
karapatan. Yan nga ang dahilan kung
bakit ako’y nag-aaral para makatulong sa pag-unlad natin. Ngayon, tatalian mo ako? Ay, naku! Tapos na ang oras ng mga binukot.
Nakarating na ang mga tao sa buwan!”
“Anong tinatalian? Gusto ko lang
naman na umuwi ka ng mas maaga para makaiwas ka sa disgrasya. At makatulong ka sa
paghahanda ng ating hapunan.”
“Pero nag-iingat din naman ako, ah.”
“Basta gusto kong umuwi ka ng maaga.
Kailangan sa bahay ka na bago mag-alas sais. Alam mo ring pagod din ako sa
pagtatrabaho. Pagdating ko, ako pa ang nagluluto. Pero kung narito ka,
mabawas-bawasan ang mga gawain ko.”
“O, sige alas sais kung alas sais.”
“Pero paglampas ng alas sais at wala
ka pa rin, sa labas ka na ng bahay matutulog! At kapag may nangyari sa ‘yo,
huwag na huwag kang humingi ng tulong sa akin, ha!”
Uminit ang ulo ko sa walang
katapusang debate nilang dalawa.
“Pwede ba,” sabi ko, “tapusin na ninyo yang diskusyong
yan. Kung hindi, malilintikan kayong lahat sa akin.”
Tumahimik na lang si Inday. Umakyat
siya sa kaniyang kuwarto. Hindi na pinulot ang itinapong bag. Binuksan ang
pituan at saka sinara ng malakas.
“Maldita talaga!” sambit ni Nanay.
“Itsong, pulutin mo nga ang mga
gamit ng maldita at dalhin mo yan sa kanya.”
Pinulot ko ang mga nakakalat na mga
libro at bolpen. Ipinasok ko sa bag at saka dinala kay Inday.
“Day.”
Hindi sumagot si Inday. Narinig ko
ang kaniyang hikbi.
“Day.”
“Pasok. Bukas ‘yan.”
Pumasok ako. Bumangon siya at umupo
sa kanyang kama. Nang umupo ako sa tabi
niya, niyakap niya ako.
“Day, huwag ka nang umiyak. Ganoon
naman talaga si Nanay. Mahal ka noon, Hindi lang niya sinasabi.”
“Pero, Tsong, hindi naman ako
naglalakwatsa at naglalandi.”
“Oo, alam ko. Naniniwala ako sa ‘yo. Huwag ka nang umiyak.”
“Sige,” sabay tapik sa aking
balikat.
“Pero ayaw kong pinapapagalitan ako
ng walang kasalanan. Mabuti pa noong narito pa si Tatay, hindi
nag-aapoy ang ulo ni Nanay. Palaging nakangiti. Palagi pa tayong
nagpupunta ng SM tuwing linggo saka kumakain ng ice cream. Kung bakit
kasi nagtrabaho pa si Tatay sa Saudi. Hindi naman tayo kinukulang ng pagkain."
“Oo nga. Ang masama pa'y palaging
nagmamadyong si Nanay. Kung bakit naman kasi tinuruan pa ni Nay Sayong si Nanay
na magmadyong.”
“Lalo na siguro ngayong hindi nakapagpadala
ng pera si Tatay. Yan siguro ang dahilan kung bakit palaging mainit ang ulo ni Nanay.”
“Baka nga. Pero ‘Day, dapat pa rin
nating tandaan ang bilin ni Tatay bago siya umalis na tulungan natin si Nanay,
ha?”
“Sige, ah.”
Nag-apir kami ni Inday. Tumayo ako
at humakbang na palabas ng kuwarto niya. Pero may pahabol si Inday sa akin.
“Tsong, kung uuwi ako ng lampas sa
alas sais, ikaw ang magbubukas ng gate ha?”
“Ang lagay ba naman, eh.”
Tinapik ako ni Inday sa braso.
KINABUKASAN. Alas kwatro pa lang, gising na si Inday. Nagsaing
siya at naglaga ng itlog. Nang maluto, nag-almusal siya at agad umalis
papuntang paaralan. Sabi niya sa akin
may oratorical contest daw sa distrito ng kanilang paaralan. At siya ang napiling kinatawan
ng kanilang paaralan.
Sa araw na yon ay maaga rin akong kumain. Pinuntahan ko si Tito Ulding, matandang kapatid ni Nanay, upang humingi ng pera para sa project ko sa Geometry. Hindi na ako nagpaalam kay Nanay. Mainit pa ang ulo ko sa kanya.
Pagbalik ko sa bahay pagkahapon,
wala si Nanay. Noon, pagdating ko, ay naroroon na siya sa bahay nagluluto ng aming hapunan. Pinuntahan ko ang bahay ni Nay Osang kung saan siya nagmamadyong.
Wala siya roon. Kinabahan ako. Tumuloy
ako sa bahay nina Lola Weta. Sinabi niya sa akin na nasa Kalibo si Nanay, doon
sa Tumbukon Memorial Hospital. Nabanggaan daw siya ng traysikol pagkaalis niya
sa bahay nila Lola Weta. Hinatid niya raw si Nanay sa ospital sa Kalibo.
Tumakbo ako pauwi ng bahay, at
biniak ko ang aking alkansya sa dingding ng aming bahay.
At dali-daling sumakay ng dyip
papuntang Kalibo. Pagdating ko ng Kalibo’y sumakay ako agad ng traysikol
papuntang ospital. Pagdating ko roon ay naroon na rin si Inday. Sinabihan raw
siya ng kanyang klasmeyt. Bitbit nya ang kanyang trophy. Ang kanang paa ni
Nanay ay nakabitay dahil may sugat.
“Nay, anong nangyari?” tanong ni
Inday. “Akala ko’y magsasaya tayo dahil may trophy akong ipapakita sa inyo. Nanalo
ako ng first prize sa isang oratorical contest kanina.”
Ngumiti si Nanay. Hinawakan ng
mahigpit ang palad ni Inday. At agad nagsalita.
“Pumunta ako kina Lola Weta mo.
Humingi ako ng tulong dahil wala na tayong pambili ng bigas. At binigyan naman
niya ako, kaya lang may dagdag na sermon. Hindi kasi ang Tatay mo
ang gusto ng Lola Weta mo. Bukod sa lasinggero, palikiro pa. Yan ang iniisip ko habang tumatawid ako ng kalsada. Hindi
ko napansin na may humahagupit palang traysikol. At nabanggaan ako. Natumba ako. At napansin kong hindi ko kayang tumayo ng mag-isa. Mabuti na lang at huminto ang trasikol at nakita ako ng Lola Weta mo. Dinala nila ako sa ospital.”
Tiningnan ako ni Nanay.
“Saan ka ba pumunta kanina? Hindi ka man lang nagpaalam sa akin.”
“Nagmamadali kasi ako. Pumunta ako kina Tito Ulding para humingi ng pera pasa sa project ko sa skul.”
“Kamusta ang lakad mo?”
“Mabuti naman. Binigyan niya ako
ng isang daang piso.
Ngunit gagamitin natin ito sa pambili ng gamot mo. Mabuti’t hindi ko pa
nagamit. Binuka ko rin ang alkansya ko.
Ito, may singkwinta pesos ring laman.”
“Oo nga pala, Nay”, dagdag ni Inday,
“may premyo pala akong pera, maliban sa trophy. Limang daang piso rin ito. Gagamitin din nating pambili ng mga gamot mo.”
Tumulo ang luha ni Nanay. Pinahiran
ito ng tissue paper ni Inday.
“Salamat mga anak. Baka bukas
makalawa, makakauwi na rin ako. Pakiteks na lang sa Tatay ninyo tungkol sa aking
kalagayan.”
“Opo, Nay,” ang sabay naming sagot
sa kanya.
No comments:
Post a Comment