Review: Kaaliw-aliw na Pagkamulat: 30 Mga Bagong Libro
sa Panitikan ng Kanlurang Visayas
Source: This entry was posted on March 19,
2013 by Kalatas in Books, Review and tagged Akeanon,
Aklan,
Hiligaynon, Ilonggo,
Kinaray-a, Noel de Leon, Panay,
Panitikang Hiligaynon. http://kalatasliteraryezine.wordpress.com/2013/03/19/kaaliw-aliw-na-pagkamulat-30-mga-bagong-libro-sa-panitikan-ng-kanlurang-visayas/
Retrieved: January 1, 2015
ni Noel de Leon
Ang panitikang Hiligaynon ay
mayroong napakayamang tradisyon. Mula sa bantog na pag-luwa (loa) hanggang sa
mga dekalidad na nobela nina Ramon Muzones at Magdalena Jalandoni. Mayaman sa
representasyon ng pagiging uma o buki ang mga lumang akdang pampanitikan,
nariyan halimbawa ang paniniwalang nakapagpapagaling ng sakit ang unang ulan sa
buwan ng Mayo, na naproproteksyunan ng mga salitang “abayan lang” ng matatanda
ang mga sanggol kontra sa usog, na nakapagpapagaling ng ubo at mga sakit sa
balat ang agdaw, tradisyunal na dahong gamot. Sa mga sugid at panitikan rin
madalas ng mga taga-Panay maririnig ang mga haka at paniniwala tungkol sa iba’t
ibang uri ng aswang—o bagat, matindi ang paniwala tungkol sa Bakunawa, halimaw
na nasa anyong ahas o dragon na nakatira sa pagitan ng langit at lupa,
pinaniniwalaang diyos ng mundong ilalim na lumalamon sa buwan kaya may panahong
tila napakadilim ng mundo, at upang muling magbalik ang liwanag kailangang
mag-ingay ang mga tao upang mailuwa-suka ng Bakunawa ang buwan at magbalik ang
liwanag.
Hindi lamang limitado sa mga
nabanggit ang representasyon ng panitikan ng mga taga-Panay noon, marami sa mga
ito ay sumikat bilang mga alamat at pabula na sumubok sa galing at talino ng
mga taga-Panay mag-isip, nariyan ang pinakasikat na Tungkong Langit at
Alunsina, ang alamat nina Guimo at Aras ng Isla ng Guimaras, nariyan din ang
mga sugid tungkol sa identidad nina Tinyente Gimo, Marya Labo at Felicedad.
Ngunit labaw sa representasyon ng
takot at mahika, sinasalamin rin ng mga epiko ng taga-Panay ang payak na
pamumuhay sa bukid, ang pagtutulungan, at ang katapangang ipaglaban ang
itinakdang pag-ibig. Ang papel ng bata at kababaihan sa lipunan, ang pagtuo o
ang malakas na paniniwala sa gahum ng Dios. Ang lahat ng ito ay sinasalamin sa
epikong Hinilawod (Tales from the Mouth of Halawod River) at Maragtas.
Samantala, kung pag-uusapan naman
ang kontemporaryong panitikan sa Hiligaynon, tila di naman nalalayo ang mga
isyu at temang tinatalakay ng mga librong lumabas nitong huling dalawang
dekada. Ang mapangahas at tahasang pag-ako na taga-uma o buki ang manunulat sa
kaniyang mga akda ay nakikita kong rason kung paanong umigpaw ang
kontemporaryong panitikan upang kilalahin bilang instrumento na nagsusumikap na
maitaas ang kamalayan ng tao at kultura bilang taga-bukid.
Samantala, narito ang mga librong
pampanitikan sa Hiligaynon, Kinaray-a, at Akeanon na di lamang kaaliw-aliw,
kamangha-mangha pa ang gamit ng wika na siyang magbabalik sa ating lahat ng
interes natin sa pagbabasa ng sarili nating panitikan. Na sa kalaunan ay
huhubog ng isang makabuluhang lawas sa pag-unawa natin ng pambansang panitikan.
Sa Taguangkan sang Duta (Alice
Gonzales)
1. Gonzales, Alice. Sa Taguangkan
sang Duta kag iban pa nga sugilanon. Iloilo: Seguiban Printing and
Publishing Enterprises, Inc., 2009. [MAIKLING KUWENTO] Ang aklat na ito ay
koleksiyon ng sampung maikling kuwento sa Hiligaynon. Unang libro ni Gonzales.
Lahat ay nanalo sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Wala
itong salin sa Filipino o Ingles, una, dahil naniniwala ang awtor na siya ay
manunulat sa Hiligaynon. At ikalawa, dahil para sa mga Ilonggo ang kaniyang mga
isinusulat na kuwento.
2. Gonzales, Alice. May Isa Ka
Kuring nga Hari. Iloilo: Seguiban Printing and Publishing Enterprises,
Inc., 2009. [KUWENTONG PAMBATA] Masasabing ito ang unang koleksiyon ng mga
kuwentong pambata sa panitikang Hiligaynon. Ikalawang libro ni Gonzales na
binubuo ng pitong kuwentong hango sa parabula.
3. Delos Santos, Alex C. Agi, agi
may putay sa dahi. Antique: Hiraya Media Arts. 2006. [MAIKLING KUWENTO,
TULA] Koleksiyon ng walong maikling kuwento at siyam na tula sa Kinaray-a.
Gin-balhag ito ng awtor dahil sa kaniyang tingin hindi lamang niya ito
responsibilidad bilang manunulat, bagkus gusto nitong bigyan ng espasyo ang bakla
at pagbabakla sa buhay ng mga makababasa nito. Sinasalamin ng mga kuwento ang
buhay ng iba’t ibang klase ng bakla sa lipunang Filipino: Kung paanong lumaking
bakla, kung paanong umibig ang mga bakla, at kung gaano kahirap at makulay ang
maging bakla.
4. Delos Santos, Alex C. Mga
Sugidanun ni Datu Lubay. Antique: Hiraya Media Arts. 2010. [MAIKLING
KUWENTO] Koleksiyon ng labing-isang maikling kuwento sa Kinaray-a. Natapos ang
koleksiyon sa loob ng halos dalawampung taon na nagpapakita ng iba’t ibang
paraan ng pagsugidanun, mula sa pag-iisip fiksyon hanggang sa makatotohanang
biographical/autobiographical. Ibang danas ito kumpara sa naunang libro ni
Delos Santos, ang Agi, Agi may putay sa dahi, heterosekswal ang mga tauhan sa
koleksiyong ito.
Mga Kuwento ni Datu Lubay (Alex
Delos Santos)
5. Delos Santos, Alex C. Mga
Kuwento ni Datu Lubay. Maynila: National Commission for Culture and the
Arts. 2012. [MAIKLING KUWENTO] Ang pamagat ay halaw sa pangalawang libro ng mga
kuwento sa Kinaray-a ng awtor, ang Mga Sugidanun ni Datu Lubay. Binubuo ng
labing-dalawang maiikling kuwento sa Kinaray-a ngunit mayroong salin sa
Filipino. Ayon kay Delos Santos, pagkakataon ang paglilimbag ng kaniyang mga
kuwento na may salin sa Filipino upang bigyang boses ang mga Karay-a na
matagal-tagal na ring walang boses at mukha sa panitikan ng Filipinas.
6. Teodoro, John Iremil E. Pagmumuni-muni
at Pagtatalak ng Sirenang Nagpapanggap na Prinsesa: Mga Piling Maikling
Sanaysay. Iloilo: Imprenta Igbaong. 2007. [SANAYSAY] Mga personal na
sanaysay ng buhay at buhay manunulat ni Teodoro. Nananlo ng National Book Award
mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board noong 2007.
7. Teodoro, John Iremil E. Arkipelago
kang Kasingkasing mga binalaybay. Iloilo: Imprenta Igbaong. 2009. [TULA]
Koleksiyon ng mga pinakabagong tula na nasusulat sa purong Kinaray-a. May
retrato mula sa panübük ni Lola Conchita “Ariring” Gilbaliga,
taga-Panay-Bukidnün.
8. Teodoro, John Iremil E. Anghel
sang Capiz mga maikling kuwento sa Hiligaynon at Filipino. Iloilo: Imprenta
Igbaong. 2009. [MAIKLING KUWENTO] Tinipon sa librong ito ang limang maikling
kuwento sa Hiligaynon. Mga kuwentong tumatalakay sa dalisay at masalimuot na
pag-iibigan ng dalawang lalaki. Walang kiyeme ang estilo ng pagkukuwento,
walang paghuhusga, isinalalarawan lamang ang katotohanan ang katotohanan sa
konteksto ng lipunang Filipino kung saan bahagi ang mga hayag at tagong buhay
ng mga lalaking nagmamahal sa kapwa lalaki. Historikal ang librong ito bilang
unang kalipunan ng mga kuwentong bading sa kasaysayan ng Literatura ng
Filipinas sa Hiligaynon. May mga salin sa Filipino.
Komposo ni Dandansoy (Genevieve
Asenjo)
9. Asenjo, Genevieve L. Komposo
ni Dandansoy: Mga Kuwento sa Hiligaynon at Filipino. Maynila: University of
Santo Tomas Publishing House. 2007. [MAIKLING KUWENTO] Unang koleksiyon ng mga
kuwento sa kontemporaryong panulaang Hiligaynon na may salin sa Filipino, isa
itong pagdanas sa wika at pagsasalin. Hinihinga ng koleksiyon ang impluwensiya
ng oral na tradisyon ng komposo at sugilanon ng Panay, ng Bagong Formalismo, at
ang mumunting paghakbang-lagpas dito; katulad ng kaniyang mga tauhan na
umiigpaw ang kamalayan sa kabundukan at kadagatan ng rehiyon.
10. Asenjo, Genevieve L. Lumbay
ng Dila. Maynila: C & E Publishing, Inc. 2010. [NOBELA] Umiinog ang
nobela mula sa karakter ni Sadyah Zapanta Lopez, apo ng dating assemblyman ng
Antique Marcelo N. Lopez na inakusahang mastermind ng Guinsang-an Bridge
Massacre, anak Nina Kumander Pusa at Kumander Rufflesia ng Coronacion
“Waling-Waling” Chiva Command ng Central Panay. Pinatunayan ng mga tauhang
sangkot at ng mismong kuwento ang interes ng nobela sa aspektong politikal – sa
patuloy na pakikibaka para sa kapangyarihan at katarungan sa pagitan ng
magkaibang panig.
11. Asenjo, Genevieve L. Pula ang
Kulay ng Text Message: Mga Tula sa Kinaray-a at Filipino. Iloilo:
University of San Agustin Press. 2006. [TULA] Unang koleksiyon ng mga tula ni
Asenjo. Mga personal na karanasan at obserbasyon ng pagiging babae sa
kontemporaryong panahon ang kalipunan ng tula, na sumunok ipakilala ang husay
ng visayan-laced Filipino sa pagpapaunlad ng wikang pambansa.
12. Garcia Jr., Felino S. Sa
Pagtunod sang Adlaw mga sugilanon. Maynila: Central Book Supply, Inc. 2011.
[MAIKLING KUWENTO] Unang koleksiyon ng awtor ng kaniyang mga kuwento sa
Hiligaynon.
13. Garcia Jr., Felino S. Idolo: Mga
Sugilanon sang Gugma kag Pagbiya. Maynila: Central Book Supply, Inc. 2011.
[MAIKLING KUWENTO] Ikalawang koleksiyon ni Garcia ng mga kuwento nito sa
Hiligaynon na nangungusap tungkol sa karanasan sa pag-ibig at paghihiwalay.
Binubuo ng siyam na mga kuwento na binigyang introduksiyon ni J.I.E Teodoro at
ipinakilala ni Dr. Jesus Insilada.
Kakunyag (Peter Solis Nery)
14. Nery, Peter Solis. Kakunyag:
100 Erotic Sonnets in the Hiligaynon. USA: CreateSpace Independent
Publishing Platform. 2012. [TULA] Koleksiyon ng mga erotikong soneto sa
Hiligaynon na isinulat ng awtor noong 2005. Isinalin sa Ingles noong 2008.
15. Nery, Peter Solis. The Prince
of Ngoyngo. Iloilo: DreamWings Publishing. 2001. [TULA] Koleksiyon ng mga
tulang liriko sa Hiligaynon na nagpakilala sa makata bilang ipitome ng hikbi sa
panulaang Hiligaynon.
16. Nery, Peter Solis. Love in
the Time of the Bakunawa. USA: CreateSpace Independent Publishing Platform.
2012. [NOBELA] Romantikong nobela na tumatalakay sa pagsisikap at mga pangarap
ng isang musikero na umuwi sa Isla Pulang Pasayan, nadiskobre niyang ang
Bakunawa Festival na sinimulan ng kaniyang lola ay perpektong pagkakataon para
lubos niyang makilala ang sarili, ang pag-ibig, at karera sa buhay.
17. Cichon, Melchor F. Matimgas
nga Paeanoblion Anthology of Poems Written by Aklanons. Aklan: Tierra Alta
Publications. 2011. [TULA] Ang koleksiyon ay binuo ng labingpitong manunulat na
Aklanon sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo at binigyang introduksiyon ni
Prof. John E. Barrios na tinalakay ang tradisyon, history, at kasalukuyang
hamon para sa panitikang Aklanon.
18. Cichon, Melchor F. Ham-at
Madueom Ro Gabii collection of Aklanon Poems with Filipino Translation.
Aklan: Macar Enterprises. 1999. [TULA] Marahil ito ang kaunaunahang koleksiyon
ng mga tulang Aklanon na sinulat sa Aklanon. Kalakip sa koleksiyong ito ang mga
tula ng awtor na nagwagi at lumabas sa iba’t ibang paligsahan sa pagsulat ng
tula at magasin. Upang maunawaan ng mga di Aklanon may salin ang lahat ng tula
sa Filipino na sinamahan ng mga salitang Aklanon sa pagpaunlad ng wikang
pambansa.
Margosatubig (Cecilia Nava)
19. Nava, Cecilia L. MARGOSATUBIG
The Story of Salagunting by Ramon L. Muzones. Maynila: Ateneo de Manila
University Press. 2013. [Nobela] Isinulat ng popular na nobelistang si Ramon L.
Muzones, gin-serialized sa weekly magazine sa Hiligaynon noong 1946 na ngayon
ay bibigyang salin ni Nava sa wikang Ingles. Ayon kay Nava, ito ay
epico-historical novel ng alamat ng Maria Christina Falls at ng relasyon sa
pagitan ng Ilonggo at Muslim na may malaking ambag sa panitikan ng Kanlurang
Visayas.
20. Hosillos, Lucila V. Juanita
Cruz: Nobela nga Nasulat sa Panugiron kag sa Binisaya nga Hiligaynon.
Maynila: The University of the Philippines Press. 2006. [NOBELA] Pinakasikat
ang nobelang ito sa lahat ng nobelang naisulat ni Magdalena G. Jalandoni. Sa
nobelang ito ikinuwento ni Jalandoni ang mga bagay na pinaniniwalaan niya sa
buhay, bilang tao at bilang mamamayan. Sa nobela ring ito pinatunayan ni
Jalandoni na ang pag-ibig, kapag ginabayan lamang ng pag-unawa at tiwala ay
kayang makapagpabago ng buhay ng mamamayan at bansa.
21. Perez, J.V.D. Ang Mga Anak
Sang Montogawe. Maynila: National Commission for Culture and the Arts,
National Commission on Literary Arts, and Ateneo Institute of Litrary Arts and
Practices. 2010. [MAIKLING KUWENTO] Binubuo ng anim na koleksiyon ng maikling
kuwento. Ipinakilala at binigyang introduksiyon ni Solidad Reyes at J.I.E
Teodoro. Sinasabing ang unang koleksiyong ito ni Perez ay may likaw ng pagiging
rebelde at pagiging subersibo. Handang pumatay at pumapatay ang mga karakter
upang ipaglaban ang katotohanan at katarungan.
22. Mas, Glen S. Rite of Passage
and Her Father’s House. Maynila: University of Santo Tomas Publishing
House. 2005. [DULA]
23. Mas, Glen S. Children of the
Sea and In the Land of the Giants. Maynila: University of Santo Tomas
Publishing House. 2007. [DULA]
24. Mas, Glen S. In the dark:
three plays and an essay. Maynila: University of Santo Tomas Publishing
House. 2002. [DULA, SANAYSAY]
25. Cruz, Isidoro M. Redeeming
the Body. Iloilo: University of San Agustin Publishing House. 2008. [TULA]
26. Cruz, Isidoro M. Cultural
Fictions: Narratives on Philippine Popular Culture, Politics, and Literature.
Iloilo: University of San Agustin Publishing House. 2004. [SANAYSAY] Koleksiyon
ng mga sanaysay tungkol sa kulturang popular at popular na literatura.
Solitude (Roger Rueda)
27. Rueda, Roger B. Solitude.
Iloilo: Binas Publishing. 2012. [TULA]
28. Dimzon, Alaine. Ang Manunulat
kag ang Pendulum poems in Hiligaynon with English translation. Iloilo:
University of San Agustin Publishing House. 2008. [TULA]
29. Geremia, Ma. Milagros C. Ang
pagsulat– bayi poetry in Kinaray-a with English translation. Iloilo: University
of San Agustin Publishing House. 2006. [TULA]
30. Defante-Gibraltar, Maria Luisa
S. Ang Babaye sa Lunok kag iban pa nga mga sugilanon nga indi mapatihan apang
matuod. Iloilo: University of San Agustin Publishing House. 2003. [MAIKLING
KUWENTO]
Si Noel de Leon ay estudyante
ng Master of Education Major in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa
Visayas. Tubong Guimaras, nagsusulat sa Filipino at Hiligaynon, at
nakapagsalita na rin sa mga pambansang kumperensya. Maaari siyang makontak sa
ngdleon@yahoo.com
Share
this:
No comments:
Post a Comment