Sa Aming Wika
ni Melchor F. Cichon
July 4, 2016
Sabi ng iba,
Dahil hindi Tagalog
Ang wika namin
Pang laylayan lang raw kami.
Dahil ang tono ng aming pananagalog
Ay tonong Cebuano,
O tonong Hiligaynon o Kinaray-a,
Pang laylayan lang daw kami.
At pinagtatawan pa.
Dahil Tagalog kayo
At ang sentro ng kaunlaran ay sa Kamaynilaan,
Kaya dapat susundin namin
Ang tabas ng dila ninyo!
Kaya hayon
Bawal awitin ang ating Pambansang Awit ,
Sa sarili naming dila.
Kaya hayon
Naging bansot ang karamihang wika namin.
Kaya hayon
Ang literatura namin ay halos nasa laylayan din.
Ganon pa man,
Kahit gumagapang,
Napasama na ang wikang Cebuano,
At Hiligaynon sa Palanca.
Mabuti na lang nariyan si Rio Alma,
Kumapal ang diksiyonaryong Filipino;
Mabuti na lang nariyan si Dr. Leoncio P. Deriada,
Pinag-uusapan na ang literatura ng Western Visayas
Sa mga kolehiyo at mga unibersidad.
No comments:
Post a Comment