Total Pageviews

Search This Blog

Thursday, August 21, 2014

Wika ng Pagkakaisa

Wika ng Pagkakaisa
Ni Melchor F. Cichon
August 21, 2014, revised

Hmmmmmm.

Isang araw bumisita si Pilma, na taga-Maynila sa kaibigan niyang Aklanon.

“Hummm, ang sarap ng linuluto nila,” ang sabi ni Pilma. “Lalong ginutom ako.”
Mayamaya ay lumapit ang tatay ng Aklanon at nagsabi kay Pilma.

“Ilabas na kita!”

Nang mapakinggan ito ni Pilma, kinamot niya ang kanyang ulo.

“Ngayon pang gutom na gutom na ako, saka naman ako palalabasin,” sabi niya.

“Opo. Hinihintay na nga ako ng kaibigan ko sa restaurant,” sagot ni Pilma. At tuloy tumayo patungong pintuan.

“Ops! Saan kayo pupunta? Bakit ka lalabas?” sabi ng tatay ng anak niya.

“Sabi ninyo, lalabas na tayo.”

“Hindi, sabi ko ilabas na kita, hindi lalabas. Ang ibig kong sabihin ay kakain na tayo ng ilabas o pananghalian.”

“Hay salamat, makakakain na rin ako. “

Kasama ni Pilma ay isang Ilonggo, si Jen. Nang doon na sila sa hapag-kainan, nagsabi ang Nanay ng Aklanon.

“Nene, iabot mo ang humay sa kaibigan mo.”

“Opo, Inay.”

Nagtaka si Jen. “Ano ito, pakakainin ako ng humay? Paano ko ito makakain?”, sabi ni Jen. “Humay. Greee! Mabubutasan ang bituka ko nito.”

“Tiyay, hindi ho ako kumakain ng humay. “

“Bakit?” sabi ng Nanay ng Taga-Aklan. “Bagong ani ito, ah. Tingnan mo, mabango pa nga. Masarap ito!”

Lalong kumati ang ulo ni Jen.

Sa Iloilo, ang humay ay palay, samantalang ang humay sa Aklan ay kanin.

“Ay, naku” sabi ni Jen, “maluluko ako sa inyo!” At lahat sila’y nagtawanan.
Pagkalipas ng isang linggo, pumunta sa Antique ang magkaibigan. Sa bahay ni Sean. Maliligo kasi sila sa Pula Falls. Bago sila umalis para pumunta sa Pula Falls ay nagsabi ang Nanay ni Sean. “Mga Inday, doon kayo kumain ng hapunan ha.”
Nagtaka ang Tagalog na si Pilma at ang taga-Aklan na si Kate.

“Ano po yon?”, sabi ni Pilma. “Doon po kami kakain sa Pula Falls mamayang gabi? Hindi ba delikado doon?”

“Hindi,” sagot ng Nanay ni Kate. “Ang ibig kong sabihin, eh, sa aming bahay kayo kakain ng hapunan at hindi sa Pula Falls.”

Nagsalita si Kate, “ang doon sa Antique ay dito kung sa Tagalog.”

“Oh, ganoon ba,” ang sabay-sabay na sagot ng taga-Maynila at ng taga-Aklan. At tuloy silang nagtawanan.

At ganito ang madalas na nangyayari sa ating bansa. Dahil sa maraming isla sa ating bayan, halos lahat ng isla ay may sariling wika. Sa Panay lang nga, eh, tatlo ang mga wika: Hiligaynon, Kinaray-a at Aklanon. Hindi lang yon, may mga wika pang magkaiba. Isa na rito ay ang salita ng mga Ati.

“Ano nga ba ang tawag sa salita ng mga Ati?”, sabi ni Jen. “Inati,” sagot ni Kate.

Naalaala tuloy ni Kate ang slogan ng Department of Health tungkol sa paninigarilyo. Ito ang sabi:

“Ang yosi, kadiri!”

Nang mabasa ito ng mga taga-Samar, nagsamasama ang mga naninigarilyo sa lugar kung saan nakapaskil ang slogan na ito.

Nagtaka ang mga taga-Department of Health.

Bakit dito sila naninigarilyo samantalang sinasabi sa slogan na ang paninigarilyo ay masama sa katawan. Nang tanungin nila kung bakit doon sila naninigarilyo kung saan nakapaskil ang slogan, ang sagot nila ay: “Hindi ba dito kami magyuyusi?”

“Hindi!” sabi ng taga-Department of Health. “Ang ibig sabihin ng slogan ay ang pagyuyusi ay masama sa inyong katawan.

“Ah, ganon ba!” Ang sabay-sabay na sagot ng mga naninigarilyo.

“Ito pa”, sabi ni Jen.

“Nang pumunta ako sa isang gusali ng pamahalaan, nakita ko ang nakapaskil na slogan.”

“Anong sabi ng slogan?” tanong ni Kate.

“Bawal ang lagay dito!”

Tumawa silang lahat. Maliban sa taga-Maynila.

“Anong masama doon?” sabi niya.

“Ha?” sabi ni Jen.

“Sa Tagalog,” sabi ni Kate, “ang lagay ay masamang ugali dahil kinukurap mo ang isang empleyado ng gobyerno, pero sa taga-Iloilo ito ay ari ng isang lalaki.”

“Ooops! Ganon ba?” sabi ni Pilma.

“Ito ang hirap sa ating bayan,” sabi ni Pilma, “dahil kay raming wika. Hindi tuloy tayo nagkakaintindihan. Kaya maraming nag-aaway dahil sa hindi pagkakaunawaan. Mabuti na lang gumawa ng batas si dating Pangulong Manuel L. Quezon para magkaroon tayo ng isang Pambansang Wika. Sabi nga, Isang bansa, Isang wika.”

Kaya lang hanggang ngayon, marami pa rin sa mga Filipino ang hindi makakaintindi ng Filipino. Isa pa, may mga lugar sa Pilipinas na ayaw ng Tagalog bilang pundasyon ng Wikang Pambansa. Bakit hindi Bisaya? Bakit hindi Pampanggo?

Ang mga taga-Cebu, tutol sa Filipino bilang isang pambansang wika. Ang gusto nila ay gawing pambansang wika din ang Cebuano. Kaya lang, anong mangyari kung dalawa o tatlo ang Pambansang Wika sa Pilipinas? Baka lalong hindi magkakaintindihan ang mga Filipino?

Dumagdag pa sa problema natin ang K 12 na kurikulum, dahil mas marami tuloy ang dapat matutunan ng mga bata. Isa pa, parang hindi pa handa ang mga tetser sa kanilang pagtuturo ng Unang Wika dahil wala pang mga libro na gagamitin ang mga bata. Pero kung hindi nila gagawin ito ngayon, kailan pa?

Kailan pa?

No comments: