Total Pageviews

Search This Blog

Tuesday, July 30, 2013

Writer's Union of the Philippines

Writers’ Union of the Philippines
c/o Institute of Creative Writing
2/F Bulwagang Rizal
University of the Philippines
Diliman, Quezon City
2 Abril 2013

Melchor F. Cichon
Block 52, Lot 32 Barangay Bolilao, Mandurriao
Iloilo City 5000

Mahal na Pambansang Alagad ni Balagtas,

Liham po ito ng taos na pag-aanyayang dumalo kayo sa Pambansang Kongreso ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sa ika-31 ng Agosto 2013. Isang maghapong pagtitipon-tipon po ito ng mga kasapi, kaibigan, at mga espesyal na panauhing tagapagtaguyod ng sining at silbi ng Panitikang Pambansa at ng kultura ng malikhain at kritikal na pagbabasa.

Gaganapin sa Leong Hall Auditorium ng Ateneo de Manila University, Katipunan Avenue, Loyola Heights, Quezon City, ika-8:00 ng umaga hanggang ika-4:00 ng hapon, katatampukan po ito ng Taunang Ulat ng Tagapangulo ng UMPIL, Writer’s Forum, at ang pinakaaabangang pagkilala at pagbibigay parangal sa mga susunod na hihiranging Pambansang Alagad ni Balagtas at sa mga tatanggap ng Gawad Pedro Bucaneg at Gawad Paz Marquez Benitez.

Karangalan at lubos na ikagagalak po ng mga kasapi at kaibigan ng UMPIL ang inyong pagdalo sa pagtitipong ito na minsan isang taon lamang kung maganap. Para po sa mga bagong pagkakalooban ng
Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, ang inyong pagsaksi sa seremonya ay magiging tanda ng pagtanggap ninyo sa kanila bilang kapatid at kapananalig sa panitik. Para po sa mga nakababatang manunulat, maituturing nang malaking inspirasyon ang makita kayong nakikisalamuha at nakikipagkumustahan sa kanila. Naniniwala rin po kami na magiging napakahalaga ng maiaambag ninyo sa gaganaping talakayang pangmanunulat hinggil sa paksang “May Protesta pa ba sa Pagsulat?”

Wala po kayong aalalahaning babayaran sa pagdalo. Panauhing pandangal po kayo na muling ipakikilala sa madla bilang isa sa mga kinilala at dapat kilalaning Pambansang Alagad ni Balagtas.
Umaasa po kaming mapauunlakan ninyo ang aming imbitasyong ito.

Kung may katanungan po kayo at para po sa pagkumpirma ng inyong pagdating, maaari po ninyo akong padalhan ng mensahe sa mcoroza@ateneo.edu . Puwede rin po akong itext o tawagan sa numerong 0947.721.9249.

Lubos na gumagalang at nagpapasalamat,

MICHAEL M. COROZA, Ph.D.
Kalihim Pangkalahatan

Binigyang-pansin:

KARINA A. BOLASCO
Tagapangulo

No comments: