Total Pageviews

Search This Blog

Sunday, May 05, 2019

Akeanon: Wika ng Saliksik: Pwede Na Ba?


Akeanon: Wika ng Saliksik: Pwede Na Ba?
Melchor F. Cichon
Bago ang lahat, ako’y nagpapasalamat kina Ginuong Adrian Cahilig Bernaldo sa pag-alala niya sa akin at kay Ginang Margie Retuba Hallares at kay Engr. Maribel I. Palomo, Head Teacher III sa pag-anyaya nila sa akin para makapagbigay ako ng kaunting butil tungkol sa pagdiriwang ninyo ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Ang wika ay nagpapaunlad ng kaalaman at pag-iisa, nagpapabilis ng pag-aaral, nagpapayaman ng kultura at nakakatulong sa pagbuo ng pagkakakilanlan ng ating bayan. Sabi ni Pangulong Manuel L. Quezon:
 "Ang isang pambansang kaluluwa ay hindi maaaring mabuhay sa bayang walang pambansang wika. Hindi tayo kailanman makapagmamalaki bilang isang bansa habang hindi tayo nag-aangkin ng isang wikang ating sarili. Tuwina'y mararamdaman nating tayo'y mababa kaysa ibang sambayanan." At siyempre pa, hindi natin makakalimutan ang sinabi ni Dr. Jose P. Rizal: "Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.”
Sa ibang bansa, wala silang pakialam sa pagpaunlad ng wikang pambansa lalo na ang English dahil matatag na ito, hindi katulad ng Pambansang Wika natin kung saan nahahaluan ito ng iba’t-ibang wika hindi lang mula sa ibang wika sa labas ng Tagalog region.
Kung titingnan natin ang UP Diksiyonaryong Filipino na ginawa ni Virgilio S. Almario, makikita natin na kay raming salita mula sa Agta, Aklanon, Apayaw, Bagobo, Bajaw, Bikol, Bilaan, Bisaya, Espanyol, French, German, Griyego, Hebrew, Hiligaynon, at iba pa.
Bagamat ang mga hiram na mga salitang ito ay nagpapayaman sa Inang Wika natin, nagpapahirap naman sa ibang kababayan natin kung anong ibig sabihin nito, halimbawa, lampitaw (Hiligaynon) na ang ibig sabihin ay manood ng palihim.
Ang pagbuo ng wikang pambansa sa ating bayan ay mahirap dahil may walong pangunahing wika at mahigit isang daang maliliit na wika, at kung saan ang English ay ginagamit halos sa lahat na lugar sa ating bansa. Lalong nagiging komplikado ito dahil sa paggamit ng Tagalog at ng wika na may kahalo ng iba’t-ibang wika ng Pilipinas, kaya parang wikang banyaga lalo na sa mga milenyal na mga kabataan. Hindi lang ito, may mga salita pang iniimbento ng mga bading na halos sila lang ang nakakaintindi.
Ilan lang ito sa mga salitang naimbento ng mga kababayan nating mga gays:
ahas (snake), traidor lalo na sa pag-ibig
anech, anesh, anik, anikla  mula sa ano (what)
Badaf, dafat
Ma at pa (contracted  ng malay ko at pakialam ko)
chika, chuva, at lafang
purita (pobre)
At marami pa.
Uo nga pala, ayaw ng mga gays na tawagin silang bakla. Mas gusto nilang matawag silang: baklita, baklesh, bading, bakling, bahing, badette, badush, badinger.
Ang wika ay lumilitaw dahil kailangan at ito’y nanatili kapag madalas itong ginagamit sa iba’t-ibang kuminikasyon.
Sabi nga mamanatili ang isang wika kapag ito ay sinasalita ng mga katutubo, kung ito ay sinusulat sa panitikan, sa pananalangin, sa mga diyaryo, sa radyo, sa tv. Malaki rin ang tulong ng mga diksiyonaryo. At sa sosyal medya.
Mabuti ang mga Cebuano, ang mga Ilonggo, ang mga Tagalog, ang mga Ilokano dahil marami na sa kanila ang nagsusulat sa kani-kanilang wika.
Pero ang mga Aklanon? Iilan lang ang nagsusulat ng mga tula, sanaysay, maikling kwento sa Aklanon. Lalo na sa pananaliksik. O baka wala pa!
At kung nagsusulat din sila, nalalathala ba ito sa libro o sa mga pahayagan? Siguro sa Facebook lang. At kung sakaling nagsusulat sila, tama ba ang mga baybay nito?
Siguro iilang lang sa kanila ang may blog kung saan nila inilathala ang kanilang mga obra-maestra sa Aklanon.  Pero mas maigi sana kung ang mga ito ay nalalathala sa mga pahayagan o sa mga aklat para marami ang makakabasa.
Nakakalungkot ngunit sa ngayon wala pa tayong magagawa. Pero darating din yon.
Lahat na sanhing ito ay dapat ibalanse bilang tagaalaga ng pambansang wika lalo na sa espesyal na buwan kung saan natin idinidiriwang ang wikang Filipino.
Ang pagpaunlad at pagpapasigla sa tamang paggamit ng wikang Filipino ay isang hamon na gawain.
Si Pangulong Fidel Ramos, bilang pangulo ng ating bansa ay ipinahayag na ang buwan ng Agosto ay buwan ng Wikang Pambansa sa ikauunlad at sa paggamit ng wikang pambansa. 
Ang buwan ng Agosto ay buwan kung kailan ipinanganak si Pangulong Manuel L. Quezon, kinikilalang Ama ng Wikang Pambansa. Siya ay ipinanganak noong Agosto 19, 1878.
Bakit tinagurian siyang Ama ng Wikang Pambansa.
Tinaguriang ama ng wikang pambansa si Manuel L. Quezon dahil, sa ilalim ng administrasyon niya inirekomenda na ang Tagalog ay gawing basehan ng pambansang wika.
Matapos ito,  idineklara ni Pangulong Quezon na ituturo ang pambansang wika sa buong Pilipinas at magiging kasing halaga nito ang Ingles at Espanol.
Ayon pa sa kanya, kailangang magkaroon ng iisang wikang gamit ang Pilipinas para magkaintindihan ang mga Pilipinong tulad natin.
Taon-taon, nagkakaroon ng tema ang isang buwang pagdiriwang ng Wikang Pambansa. Sa taong ito, 2018,  napili ng DepEd kasama ang Komisyon sa Wikang Filipino ang temang Filipino, Wika ng Saliksik upang itaas ang paggamit ng wikang pambansa sa pananaliksik, ipabilis ang pagpalawak at ang pagpaunlad ng karunungan.
Ang English, bilang lingua franca ng panahon ng impormasyon, ay nakaangat halos sa kumunikasyong pagkalahatan.
Ang Pilipinas ay hindi nag-iisang bansang nahihirapan sa pagpreserba ng kanyang wikang pambansa kahit ito ay nakikibahagi sa pagbabago ng pandaigdigang kapaligiran. Pero kapag nagsamasama ang bawat isa, ang hamon na ito ay hindi ganuon kahirap.
Bakit nahihirapan tayo sa pagpreserba ng ating Wikang Pambansa? Dahil , una kay raming mga wika sa Pilipinas at ito’y naging kumpitensya sa ating Wikang Pambansa. Naala natin na ayaw ng mga Cebuano na awitin ang ating Pambasang Awit na Tagalog bersiyon dahil gusto nila ang Cebuano bersiyon. Dahil dito gumawa ng batas na ipinagbawal nang awitin ang ano mang bersiyon ng ating pambansang awit maliban lang sa Filipino bersiyon.
Pangalawa, nangunguna pa rin ang paggamit ng English sa pagtuturo at sa mga opisyal na kumunikasyon ng ating pamahalaan.
Pangatlo, kulang na kulang ang ating diksiyunaryo kung saan isinasama ang mga salitang katutubo at iba pang mga salitang dayuhan na pumapasok sa kultura ng ating bansa.
Pang-apat, ang bokabularyo ng ating mga kabataan ay halo-halo na. Sa kabataang Aklanon, papaano na sila kung nagsasalita ngayon? Hindi ba’t halo-halo na rin? Napansin ko na uso na ngayon sa kabataang Aklanon na sabihin sa mga nakakatanda sa kanila ang salitang Uncle at Auntie kahit hindi nila ito kamag-anak.
Kung tayo ay nagsusulat, Aklanon ba ang ginagamit natin? Madalas sa English o Tagalog, hindi ba? Hindi tayo masisisi dito dahil ito ang ating kinagisnan sa ating mga paaralan.
At ngayong may Mother Tongue na tayo, Aklanon ba ang mga librong pinapabasa sa ating mga mag-aaral sa Grade 1 hangga’t Grade 3? Ang mga reading materials ba nila ay Akeanon o Hiligaynon? Naalala ko tuloy ang mga panalangin ng mga Aklanon—mga Hiligaynon.
Ngayon ito ay isang malaking hamon para sa lahat na Aklanon.
Noon, pinanukala ng ating mga pinuno sa Biak na Bato na gamitin ang wikang Tagalog sa pagtuturo, ngunit panandalian lamang ito dahil sinakop tayo ng mga Kastila. Kaya ginawang Espanyol ang wikang ginmit sa pagtuturo.
At nang dumating naman ang mga Kano, English naman ang pinairal sa pagtuturo sa lahat ng antas ng edukasyon at lahat halos na kumunikasyong opisyal.
At kahit nagkaroon na tayo ng Wikang Pambansa, English pa rin ang ginagamit natin. Ang masakit pa nito ay gumawa ng patakaran ang pamahalaan na tanggalin ang Filipinong asignatura sa kolehiyo. Ito ay ayon sa memorandum ng Commission on Higher Education/CHED Memorandum Order No. 20, series of 2013. Itong memorandum ay nagsasaad na tanggalin ang Filipino bilang subject na ituturo sa 2016 bilang bahagi ng bagong General Education Curriculum (GEC).

Marami tuloy na guro ang nawalan ng trabaho. At dahil sa pagtututol ng maraming guro, ibinalik ang ibang asignaturang Filipino. Ito ay nakasaad sa Ched Memorandum Order No. 57 series of 2017 na nag-uutos na “ all higher education institutions (HEIs) to continue implementing Ched Memos mandating three to nine units of Filipino subjects as part of the general education curriculum in college. It was issued and signed on June 16. Ito ay ginawa matapos ilabas ng Supreme Court ang Supreme Court’s temporary restraining order (TRO) against Ched Memorandum Order No. 20 (CMO 20).
At dahil malawak at malalim na ang narating ng Filipino bilang wika, marami ng saliksik ang nagawa na ginagamit ang wikang Filipino. Ilang libo na rin ang nagdalubhasa sa Filipino. Mayroon pa ngang nagtapos ng PhD sa Filipino at ang kanilang mga tesis at disertasyon ay sa Filipino na rin. May sapat na rin silang terminolohiya sa ibat-ibang larangan, kaya reading-ready na talaga sila kung gumawa sila ng pananaliksik. Sa science, makikita natin na may terminolohiya na sila. Sa English-Tagalog; Tagalog-English Dictionary na sinulat ni Marissa R. Enriquez at inilathala ng Amos Books, Inc. noong 2004, makikita natin ang iba’t-ibang terminolohiya sa Filipino:
1. Everyday Common Words for Home, School, and Office
2.     Astronomical terms
3.     Geological terms
4.     Common household terms
5.     Fishery terms
6.     Names of Government Offices
7.     Diploma terms
8.     Physics, chemistry, biology and social sciences terms
9.     Terms for frequency, distance, and monetary units, and
10.   Mathematical terms

Sa isang libro na ginawa ng Komisyon sa Wikang Filipino na nalathala noon 2000, mababasa natin ang Mga Terminolohiyang Medikal at Agham Pangkalusugan.
Ngayon kung tatanungin ko kayo, pwede na ba tayong gumawa ng isang research proposal o isang pananaliksik sa Aklanon mula sa pamagat hanggang  sa sanggunihan o references? May sapat na ba tayong terminolohiya kung sakaling gagawa tayo ng pananaliksik sa kalusugan o sa chemistry?
Sa ngayon lima na ang mga diksiyonaryo tungkol sa Aklanon. Ito ang apat:
Braulio, Eleanor Perucho. Akean-Filipino leksicon, 1997-98. Kalibo, Aklan: Macar Enterprises, 1999.
Dela Cruz, Roman A. Five-language dictionary (Panay Island): English, Tagalog, Hiligaynon, Kinaray-a, Aklanon. Kalibo,Aklan:  Rock Publishing, 2003.
Pastrana, Theodore Acevedo. Mga magkahueogan ag buko’t makahueogan nga mga tinaga sa Inakeanon (a thesaurus of Aklanon words). No place of publication, no publisher. 2012.
Reyes, Vicente Salas, et al. A Study of the Aklanon Dialect, vol two, Dictionary. Kalibo, Aklan: Public Domain, 1969. (This is the first Aklanon dictionary. Volume 1 of this is on Aklanon grammar)
Ang tanong ko: Alin ba sa mga ito ang may kopya kayo?  O kaya’y nakita na ba ninyo itong mga diksiyonaryo?
Ngayon kung wala tayong kopya ng mga diksiyonaryong ito, papaano tayo makakakawa ng ating pananaliksik?
Kaya ito ay malaking hamon sa ating lahat.
Ano ang dapat nating gawin para marating natin itong pangarap: Akeanon: Wika ng Saliksik?
Una. Magsimula na tayong sumulat sa Aklanon. At kung maari ito ay mailathala natin sa mga dyaryo o sa libro. Kung hindi man, sa Facebook o sa iba pang portal para mabasa ng ibang tao. Anong malay natin baka mabasa ito ng mga Aklanon researchers at maipon ang mga salitang ginamit natin at maidagdag sa diksiyonaryo o mailagay sa UP Diksiyonaryo para makakaimbag tayo sa pag-uswag ng Wikang Pambansa. Kung sa bagay may ilan na ring Aklanong salita  na ngayon ay mababasa na sa diksiyonaryong ginawa ni Almario. Ito ang ibang salita na nakita ko sa librong diksiyonaryong ito:
Pangalawa. Sana may sangay ng pamahalaan o pribadong organisasyon sa Aklan na magtaguyod ng paligsaan sa pagsulat ng mga tula, sanaysay, maikling kwento, o nobela para makatulong hindi lang sa pag-unlad ng literaturang Aklanon kundi makatulong din ito sa pag-unlad ng ating bokabularyong Aklanon lalo na ngayon na iilan na lang ang mga matatandang Aklanon na nagsasalita at nagsusulat ng taal na Aklanon. Kung ang mga salitang ito ay maipon at mailagay sa ating literatura o sa diksiyonaryo ito ay mapangalagaan at magamit ng mga susunod na henerasyon.
Kaugnay nito, handa akong magbigay ng poetry at short story workshops pala lalong gumaling ang ating mga kabataan at ating mga guro sa pagsusulat ng mga masining na mga akda sa Filipino, English at Akeanon.
Pangatlo. Sana ang mga nobena natin ay sa Aklanon na para lalong maunawaan ng mga kababayan natin kung ano ang kanilang pinapapanalangin. At dahil madalas nilang napapakinggan ito, lalong uunlad ang bokabolaryo ng ating mga kababayan lalong-lalo na ang ating mga kabataan.
Pang-apat. Sana magkaroon tayo ng katipunan ng mga terminohiya sa ibat-ibang larangan katulad physics, mathematics, biology, literature, at iba pa. May ginawa na ako nito pero kulang pa rin ito. Kaya hindi ko pa ito nalathala. Marami pang mga terminolohiyang hindi pa natin alam. Halimbawa, ano ang pangalan ng ibat-ibang parti ng bulaklak? Bukod sa petal (sepad), at ovary (ubaryo) ano ang pangalan ng ibang parte ng isang bulaklak sa Aklanon?
Bakit wala tayong pangalan sa ibat-ibang bahagi ng isang bulaklak? Dahil siguro hindi tayo nagsaliksik o kaya’y ang mga ninuno natin ay mahilig sa tinatawag na pangkalahatan lamang at hindi sa partikular na mga bahagi ng isang bagay. Ito raw ang ugali ng mga taga-Silangan, di katulad ng mga tao sa Kanluran.
Pang lima. Kapag tayo ay gumawa ng tula o sanaynay o maikling kwento sa Tagalog, lagyan natin ng ating salita para makaambag tayo sa ginagawang Filipino dictionary. Katulad nitong ilang tula na sinulat namin at nalathala sa Patubas; an anthology of West Visayan Poetry, 1986-1994 at inited ni Leoncio P. Deriada at inilathala ng The National Commission for Culture and the Arts noong 1995.
Handurawan
Ni Nieves C. Burao
(Hiligaynon words)
Kinatatakutan ko
ang iyong pagpanuktok
sa pintuan ng aking painuino
dahil sa iyong pagpasok
dala mo ang handurawan
ng mga araw na nausik.
Nagadugo ang bangagon
ng lupa sa tuwing
aking maalaala na wala man lamang
kahit isang wasik
ng ulan na nagdating.
*bangagon—cracked soil

Bakit si Xela ay Nagdighay Pagkatapos Mag-inom ng Coke?
Ni Alexander C. de Juan
(Akeanon words)
Kanina lang:
Puno ng pawis ang tansan
na nagyakap sa bibig ng Coke.
Naghalakhak ang tansan
na gin-aywanan ang bibig ng Coke.
Nagtambad ang kalawang
sa ilalim ng bibig ng Coke.
Gin-inom ni Xela ang Coke.
Si Xela ay nagdighay
pagkatapos mag-inom ng Coke
dahil gusto ng tansan na maulit
ang tunog ng kanyang halaklak
sa paglaho
ng kalawang
sa ilalim ng bibig ng Coke.

Nay Soriang
Ni Melchor F. Cichon
 (With Aklanon words)

Samtang nag-aawitan ang mga kuliglig
Sa paligid ng kanyang bahay,
Tinititigan ni Nanay Soriang ang nauupos
Na tatlong kandilang pinapaligiran
Ng mga layang rosas at orkid.
Ngumiti siya nang maalaala niya
‘Yong mga mahapdi’t masarap na panahong
Siya pa’y duyan, unan, kumot
At hagdan ng kanyang apat nga mga unga.
Nguni’t ngayon…
Kung kailan pa niya kailangan
Ang mga yakap nila…
Siya na lamang nag-iisang
Tumitingin sa nauupos na kandila
Dahil ang kanyang mga unga’y
Abalang-abala daw sa paghabol ng piso
Sa palengke ng Baclaran,
Sa opisina sa Makati,
Sa night club sa Ermita
At sa bahay ng Instsik sa Hongkong.

Bago ko tapusin ang panayam kong ito, gusto kong ibahagi itong sinulat ni Madeliene Tolentino Deogracias:
“Ako ay FILIPINO.
Ang wika ko ay FILIPINO.
Ang bansa ko ay FILIPINAS

Lingid sa kaalaman ng nakararami ang F ay likas na katutubong letra natin sa FILIPINAS. Makikita ang letrang F sa salitang IFUGAW na isang pangkat etniko ng bansa. Ibig sabihin ang F ay hindi banyaga o hiram na letra. Hindi rin maaaring paghiwalayin ang tao sa wika at sabihing Pilipino para sa tao at Filipino naman para sa wika sapagkat ang wika at tao ay parehong bumubuo sa iisang kultura.
Bago ang lahat, kindly see some covers of my books

No comments: