Total Pageviews

Search This Blog

Tuesday, February 01, 2022

ANG PLUMA NI GRACIANO LOPEZ JAENA

 

ANG PLUMA NI GRACIANO LOPEZ JAENA

NI Melchor F. Cichon

May 16, 1998

 

Ano ang tinatawag na rebolusyonaryo?  Ang isang rebolusyonaryo ay isang taong nagsususong ng isang pundamental at mahalagang pagbabago sa lipunan, ano man ang ginagamit na paraan nito. Si Andres Bonifacio at si Gen. Emilio Aguinaldo ay gumamit ng itak, espada at baril upang lumaya ang ating bayan sa mapintas na pananakop ng mga Katsila. Si Marcelo H. del Pilar, Dr. Jose Rizal at si Graciano Lopez Jaena ay gumamit ng kani-kanilang pluma upang baguhin ang patakaran ng pananakop ng mga Katsila rito sa Pilipinas.

Ang sanaysay na ito ay tumutukoy lamang sa buhay  at gawa ni Graciano Lopez Jaena, isang Ilonggo na rebolusyonaryo. Mapapansin na may nakahalong Akeanong salita rito.

Sa mga Bisayang manunulat bago nagsimula ang madugong rebolusyon sa Pilipinas si Graciano Lopez Jaena ang katangi-tingi sa lahat. Ayon kay Pres. Carlos P. Garcoa, si Graciano Lopez Jaena ay isa sa tatlong Filipinong mga bayani bago pa naganap ang  rebolusyon sa Pilipinas laban sa Katsila. Ang dalawa pa ay sina Dr. Jose Rizal at si Marcelo H. del Pilar. Ang tatlong ito ay naghandog ng kani-kanilang buhay at talino mahango lang ang pinakamamahal nilang bayang Pilipinas sa mapintas at mapiguson, bulok at mapagsamantalang pagdumaea ng mga Katsila. Sa pamamagitan ng kanilang panulat ay niyanig nila ang pamunuan ng Katsila sa Pilipinas lalong-lalo na yaong mga Frayle. Binigyan nila ng bagong pag-asa ang sambayanang Filipino upang makamtan nila muli ang minimithing kalayaan at karapatan mula sa tatlong dantaong pagtitiis sa kahirapan at sa pagyurak ng kanilang karapatan bilang tao.

Ngunit si Graciano Lopez Jaena ang kauna-unahang Filipino sa Espanya na nagbantala ng mga kagarukan ng mga Katsila sa ating bansa. Bago tinatag ang Propaganda Movement sa Espanya ay linandad na ni Lopez Jaean ang mga kasamaang ginawa ng mga Katsila sa Pilipinas nang isulat niya noong 1874 ang FRAY BUTOD (Paring Bundat), dalawang taon natapos patayin ng Katsila sina Padre Gomez, Gurgos at Zamora.  Siya ay labing walong taong gulang pa lamang noon. Si Jaime C. De Veyra mismo ang nagsabi na sa mga Filipino propagandista si Lopez Jaena ang nanguna sa kanila. Kung baga si Graciano Lopez Jaena ang unang nagsindi ng sulo ng kalayaan ng Pilipinas.

Si Graciano Lopez Jaena ay ipinanganak sa Jaro, Iloilo noong Disyembre 18, 1856. Ang mga magulang niya ay sina Placido Lopez at Maria Jacoba Jaena. Kaya ang tamang pangalan niya ay Graciano Lopez y Jaena o kaya’y Graciano Jaena Lopez, dahil ang apelyido ng nanay niya ay Jaena.

Ang nanay niya ay sastre at ang tatay naman niya ay karaniwang manggagawa. Nang si Graciano ay anim na taong gulang ay tinuruan siya ni Padre Francisco Jayme sa Colegio Provincial ng Jaro, Iloilo dahil gusto ng kanyang ina na mag-aral si Graciano ng pagkapari.  Noon pa man ay nakita ni Padre Jayme ang katutubong katalinuan ni Graciano. Nang buksan ang Seminario sa Don Vicente Ferrer sa Jaro ay pinasok doon si Graciano bilang isang istudyante ng teologiya at pilosopiya. Siya ay naturingang pinakamagaling na estudyante sa kanilang klase sa teologiya nang siya ay nagtapos doon.

Habang nag-aaral siya roon ay nagtrabaho siya sa opisina ng kanyang tiyuhin na si Don Claudio Lopez, ang pangdangal na bise-konsul ng Portugal sa Iloilo. Doon nasanay siya sa tinatawag na pananagutan.

Sa nabanggit ko na, gusto ng ina ni Graciano na ang huli ay mag-aral ng pagkapari. Subalit gusto niyang  maging duktor.  Ayaw niyang maging pari dahil ayaw niyang maging isang bangag dahil sa mga bulok na lider ng simbahan. Hindi naman talaga siya laban sa relihiyon ngunit  ayaw lang talaga niya sa mga mapintas, bulok at mapang-aping pari. Ang isipang ito ang nagtueod sa kanya na sumali sa Masonic Order sa Espanya dahil nakita niya rito ang tunay na pagkakaisa, pagkakapantay-pantay at kalayaan ng tao.

Pagkatapos ng kanyang pag-aaral sa seminary, pumunta siya sa Unibersidad ng Santo Tomas sa Maynila upang mag-aral ng medisina, Kaya lang hindi siya tinanggap doon dahil hindi siya nakatapos ng Bachelor of Arts. Sa mungkahi ng isang pari ng UST, nagsanay si Graciano sa San Juan de Dios Hospital.

Pagkaraan ng dalawang taon ng pagsasanay ay bumalik si Graciano Lopez Jaena sa Jaro upang magpraktis ng kanyang pinag-aralan. Kaya lang wala siyang kalaban-laban sa mga manggagamot na may lisensiya. Dahil dito pumunta siya sa Pototan, Iloilo kung saan siya nagpatuloy ng paggagamot. Subalit hindi lang siya nanggagamot ng may sakit. Dito tinuro niya ang konsepto ng kalayaan at pagkapantay-pantay ng tao. Sa paghahalubiro niya sa kanyang kababayan at sa masusi niyang pag-aaral ng mga katiwalian ng mga Katsilang pari, sumulat siya ng isang libretang pinamamagatang “Fray Butod”. Dito ininilalarawan ni Lopez Jaena ang katakawan at pagmamalabis ng mga paring Katsila. Ayon sa kanya nang dumating sa Pilipinas si Padre Butod siya ay katulad ng isang tuyong lamok. Hindi naglaon sa pagsuntinto ng mga tao ng kanyang parukiya, siya ay unti-unting naging tao. Ayon pa sa kanya ang trabaho ni Padre Butod ay kumain, uminum, matulog, at mag-isip kung paano  niya mabubusog ang kanyang katakawan sa laman.  Ayon pa rin kay Graciano si Padre Butod ay ayaw niya binibinditahan ang mga patay kung walang bayad, at kung sakaling walang pera ang kamag-anak ng patay ay pinapahiram niya ito ng pera sa mataas na interest dahil ang may ari raw ng pera na pinapahiram niya ay ang Mahal na Birhen. Dahi dito naging persona non grata si Graciano sa mga Katsilang pari. Para hindi siya makulong at maparusahan, minabuti niyang umalis ng Pilipinas. Kaya noong 1880 ay pumunta siya sa Espanya. Doon tinuloy niya ang kanyang kampanya sa pagbabago ng mga Katsila sa Pilipinas. Doon niya nakilala sina Dr. Jose Rizal at si Marcelo H. del Pilar, mga kapwa propagandista. Tinuloy niya roon ang pag-aaral ng medisina, kaya lang binuhos niya ang kanyang panahon sa pagbabago ng kanyang bayan. Naging kasapi siya ng mga asosasyon na may layuning pagbabago at umunlad ang Pilipinas. Siya ay naging bise-presidente ng Asociacion La Solidaridad. Naging miyembro din siya ng Progressive Republican Party.

Bukod kina Rizal at del Pilar, nakilala din niya sa Espanya sina Manuel Ruiz Zorilla, parliamentarian at pinuno ng Republican Party ng Madrid; Miguel Morayta, propesor at manunulat ng istorya; Francisco Pi y Margal, manunulat at dating president ng Unang Republika ng Espanya. Ang mga taong ito ay kilala sa kanilang liberal na ideya at sa pagmamahal sa kalayaan at malayang diwa. At sa pagkakataong ito, laging sumasali si Lopez Jaena sa mga miting na pang-pulitika. Sa mga  pagtitipong ito pinalabas niya ang kanyang hinanakit sa mga Katsila sa Pilipinas at mga bagay na ibig niyang mabago sa kanyang bayan. Dahil epektibo at mahusay siyang magdiskurso at magsulat, tinagurian siyang “Ang Demosthenes ng Pilipinas.” Ayon kay Prof. Gabriel F. Fabella, mahigit isang libong talumpati ang naibigkas ni Lopez Jaena, ngunit siyam lang ang naipon nito. Mahalig kasing dumiskurso si Lopez Jaena ng hindi sinusulat ang kanyang talumpati.

Ayon kay Lopez Jaeaa, ang talumpati ay hindi sapat upang maipahatid ang mga mensahe sa mga kinauukulan. Ang kailangan anya ay isang pahayagan kung saan malathala ang mga bagay-bagay na dapat ipahiwatig. Sa pahayagan mas marami ang makakabasa at makakaalam sa mga layunin ng mga Pilipinong Propagandist sa Espanya. Kaya’t tinatag ng Asociacion Hispano-Filipino ang La Solidaridad sa pangunguna ni Lopez Jaena. Ang unang isyu nito ay lumabas noong Pebrero 15, 1889 sa Barcelona. Si Graciano Lopez Jaena ang punong editor ng pahayagang ito mula Pebrero 15 hanggang Disyembre 15, 1889. Binitawan niya ang pamunuan ng pahayagang ito bangod pinagkasunduan ng grupong Filipino sa Espanya na isaylo ang editorial offices nito sa Madrid para lalong lumapit ito sa sentro ng pulitika. Dahil hindi makasama si Graciano Lopez Jaena sa Madrid, ang pamumuno ng La Solidaridad ay ibinigay kay Marcelo H. del Pilar.

Ang layunin ng pahayagang La Solidaridad ay simple lang ayon kay Lopez Jaena. Sa unang isyu ng pahayagang ito ay matutunghayan ang mga layunin nito:

“Modest, very modest indeed are our aspirations. Our programs besides are simple, very simple. It is to combat reactionary movement everywhere, present any backward step, applaud, accept every liberal idea, defend every progressive move; in one word, it is one more propagandist of all the ideals of democracy in the hope that they may prevail here and beyond the seas. The purpose of La Solidaridad then are to gather and compile the redeeming ideas that are daily poured into the field of politics and the spheres of science, arts, letters, commerce, agriculture and industry.

“We shall also discuss the questions pertaining to the general interest of the nation and seek their solutions in a highly democratic and national sense.

“The Spanish provinces beyond the seas will find in La Solidaridad a determined supporter of their just and legitimate aspirations, an organ that will reflect their needs, and expose the ills that afflict them so that they may be remedied. ”

Pinuslit ang mga kopya ng La Solidaridad sa Pilipinas at pinamudmud ito sa mga ilustradong Filipino. Peru may palagay akong nababasa rin ito ng mga karaniwang tao katulad ni Andres Bonifacio.

Ang La Solidaridad ay mahalagang instrument ng minimithing pagbabago ng bayang Pilipinas. Dito nalathala ang mga artikulo nina Dr. Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena at iba pang Filipino at hindi Filipinong may puso para sa Pilipinas katulad ni Ferdinand Blumentritt.

Dinayaw ng ibat-ibang sekto ng lipunan ang La Solidaridad dahil sa mabaskog nga panindugan batok sa mapigusong pagdumala ng mga Katsila sa Pilipinas. Isa sa mga nagdayaw ng pahayagang ito ay si Dr. Jose Rizal na noo’y nasa London.

Anya: “All are of the opinion here that the periodical improves with each number. Be careful not to insert any exaggeration or lies, nor to imitate others who availed themselves of dishonest means and use base and ignoble language to achieve their ends. Endeavor to make the periodical just, honest and truthful, so that your opinion may be respected. It is necessary for us to show our enemies that we are better than they.  By telling the truth, we shall have won our cause because reason and justice are on our side. There is no need for deceits.”

Ano ang mga layunin ng mga propagandistang Filipino sa Espanya? Sa diskurso ni Graciano Lopez Jaena noong Abril 17, 1883 sa isang banketi sa Restaurant Ingles sa Madrid, sinabi niya ang mga sumusunod:

1.      Equality between the Spaniards and the Filipinos before the law.

2.      Assimilation of the Philippines as a regular province of Spain.

3.       Restoration of Philippine representation in the Spanish Cortes.

4.      Filipinization or secularization of the Philippine parishes and expulsion of the friars.

5.      Freedom of commerce and promotion of international trade.

6.      Granting of individual liberties to Filipinos such as freedom of the press, freedom of speech, freedom of association, and freedom to petition for redress of grievances.

 

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, sinabi ni Lopez Jaena ang ganito:

 

“I close toasting for the immediate grant of freedom of the press in those islands to enable us to express and spread our ideas. The freedom of the press is the modern steamer of ideas, the Morse telegraph of progress. I demand and toast for the freedom of speech, the right of assembly, the free exercise of human rights in those beautiful regions, until now burdened by the odious stigma of obscurantism.”

 

Malinaw na ang layunin ni Graciano Lopez Jaena at mga kasamahan niya sa Propaganda Movement ay hindi tumiwalag ang Pilipinas sa Espanya, kundi pagbabago lamang ng mga patakaran ng pananakop nito.

Subalit ang layunin ng Propaganda Movement na maging probinsiya ang Pilipinas ng Espanya ay hindi natupad; hindi rin natupad ang susug nilang magkaroon ng kinatawang Pilipino sa Spanish Cortes.

Bukod sa pag-iedit ng La Solidaridad ay sinalin pa niya ang mga Bisayang katutubong awit katulad ng Balitaw at inilathala niya ito sa Islas Filipino Cantaras de Bisayas, upang malaman ng mga Katsila na ang mga Filipino ay hindi bangag gaya ng sinasabi nila.

Dahil sa mga ginawang pamamahayag ni Lopez Jaena laban sa pamamahalan ng Katsila, siya ay naging mahigpit na kalaban ng mga Katsilang pare sa Pilipinas. Pinagbantaan ang pamilya ni Lopez Jaena na kapag pinagpatuloy ang pagpapadala ng pera kay Graciano sa Espanya ang buong pamilya niya ay itatapon. Kaya’t naghirap si Graciano sa Espanya. Ibig niyang pumunta sa Cuba subalit sinabihan siya ni Dr. Jose Rizal na umuwi na lamang sa Pilipinas upang humingi ng tulong para sa pagpapalaganap ng krusada sa Uropa laban sa mga Kastila. Nang dumating siya sa Pilipinas ay nakipag-usap siya sa mga kasapi ng La Junta de la Propaganda. Napansin ito ng mga Katsila kaya’t agad siyang umalis ng Pilipinas. Tumungo siya sa Hongkong. Dito napansin niya na laganap ang mga aktibidades ng mga Filipino laban sa mga Katsila. Upang tumatag ang samahan ng mga Filipino roon, tinatag ni Lopez Jaena ang Filipino Asociasion. Tumigil si Lopez Jaena sa Hongkong hanggang Hulyo 22, 1891. At muli siyang tumungo sa Uropa.

Pagdating niya sa Espanya, tinatag niya ang pahayagang El Latigo Nacional upang ipagpatuloy niya ang kanyang krusada laban sa Katsila, subalit hinti nagtagal.

Maliban sa pagsusulat ng sanaysay, talumpati at balita, sumulat din si Graciano ng dalawang nobela. Ito ay ang Esperanza at ang La Hiya del Fraile. Kaya lang hindi ito nalathala. Kung saan ang mga manuskrito nito ay walang nakakaalam. Subalit kung nagkataong nalathala ang mga tio, siguradong nagpainit ito ng mga ulo ng mga Katsila. Sa pamagat pa lang ay mapapansin na natin ang pag-aabuso ng mga Fraile sa ating mga kababaihan.

Si Graciano Lopez Jaena ay listo sa mga batikos ng mga kalaban ng mga Filipino. Isa sa mga Katsila na tumaligsa sa mga Filipino ay si Valentin Gonzales Serrano noong 1883. Ayon kay Serrano ang mga Filipino ay “apathetic and indolent that neither time, nor circumstance, nor example, nor education, nor other elements of civilization combined could ever change them.” Nang malaman ito ni Graciano, sinagot niya ito sa isang artikulong “ A Protest” na nalathala sa Los Dos Mundos kung saan niya tahasang sinabi na ang mga Filipino ay hindi talagang tamad, at kung tamad man sila ay dahil pulubi at pinagsasamantalahan sila ng mga Katsila.

May nga pagkakataong magkaroon sana si Graciano ng trabaho upang magkaroon din naman siya ng pera at mapalayo siya sa krusada niya ngunit ang lahat na iyon ay tinanggihan niya. Noon 1886, inalukan siya ni Bishop Roman Rodriguez ng Oviedo ng isang trabaho subalit tinanggihan niya ito. Ayon sa kanya, ang katalinuan at kakayahan niya ay para lang sa kanyang bayan at hindi para sa mga prayle. Minsan ay inalukan din siya upang iedit ang isang pahayagan sa New York, subalit tinanggihan din niya ito. Ang sagot niya ay ito: “Ang buhay niya ay para lamang sa Pilipinas at hindi para sa mga dayuhan.”

Dahil wala na siyang sustento mula sa Pilipinas at wala rin siyang trabaho, siya’y naghirap. Kinulang ang kanyang pagkain. Nagkaroon tuloy siya ng hinanakit sa kapwa niya Pilipino. Noong 1891, sinulat niya kay Dr. Jose Rizal ang ganito:

 “Well you know that envious ones, who are disgracing you, have done the same thing to me. I have been everything to them when they arrived here in Spain. I have helped them, introduced them to the associations, helped them meet political figures; and when they thought they could be on their own they abandoned me. To them they owe everything, even their little worth in Spain. They starved me to death; they refused to give me lodging where I could take shelter.”

Hindi nagtagal at inatake siya ng tuberculosis. Siya ay namatay na pulubi at malayo sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak noong Enero 20, 1896 sa ospital na pinapamahalaan ng mga Sisters of Charity sa Barcelona. Ang labi niya ay linibing sa hindi kilalang puntod sa Cemeterio del Sud-Ostesa, Barcelona. Hindi ko alam kung naibalik na ang mga buto ni Graciano Lopez Jaena sa Pilipinas.

 

Ang kamatayan ni Graciano Lopez Jaena ay malaking kawalan sa mga Pilipinong propagandista. Subalit ang mga intensiyon ng mga talumpati at mga sinulat niya ay naging isa sa mga sulo ng kalayaan ng Pilipinas.  Noong Hulyo 7, 1892 tinatag ni Andres Bonifacio ang Katipunan na ang tanging layunon ay tumiwalag ang Pilipinas sa Espanya sa madugong paraan. At noong Hunyo 12, 1898, pinuklamar ni Pres. Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite. Kasunod nito ay ang pag-adopt ng kauna-unahang saligang-batas ng Pilipinas at ang pagtibay ng kauna-unahang Republika ng Pilipinas.

Subalit nanatili ang katanungang ito ng mga masang Filipino. Talaga bang malaya na ang mga Filipino mula nang patalsikin ang mga Katsila sa Pilipinas?

 

 

 

 

Bibliography

 

Anonymous. “Graciano Lopez-Jaena.” Manila Bulletin, Jan. 20, 1996, p. 22.

Laurel, Salvador H. “Graciano Lopez Jaea: Iloilo’s Greatist nationalist.” Manila Bulletin, January 22, 1996, p. 11, S-8.

Ocampo, Ambeth. “Graciano Lopez Jaena, 20 January 1896.” Philippine Daily Inquirer, January 19, 1996, p.9.

 

No comments: