ni Maeara
September 7, 2011
Mayaman tayo, di ba?
Itanong mo kay Heneral.
Isang milyon lang naman ang pabaon sa kanya
Nang magretiro siya, di ba?
Itanong mo sa PAGCOR.
Isang bilyon lang naman ang ginastos nila
Para sa pangkape-kape nila, di ba?
Itanong mo sa GSIS nang bilhin nila
Ang mga obra maestra ni Juan luna.
Milyon-milyon lang naman yon, di ba?
At kung itatanong mo pa
Sa mga big boss ng mga pulis,
Kayang-kaya nating bumili
Ng mga helicopter na ginamit na ng mga Herodes
Pero ang bayad ay pangbago pa, di ba?
Mayaman tayo, di ba?
Huwag mo lang tingnan
Ang mga sundalong nasa larangan ng digmaan
Na gumagapang sa putikan
At sumusuot ng butas-butas na mga bota.
At ang balang nagbabackfire kung paputukin nila.
Pasiplatan mo lang ang mga Ati at ang mga Badjao
Na nakahiga sa tabing-kalsada.
O ang mga nakabastong matatanda na pumipila
Sa opisina ng GSIS upang makuha ang mga pinsyon nila.
Dahil mayaman nga tayo,
Wala nang hold-aper, karnaper, kidnaper, pikpaketer
Sa ating bayan, di ba?
Sabihin mo sa amin, bayan.
Sabihin mo sa amin.
Mayaman tayo, di ba?
Kuha mo?
Wednesday, September 07, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment