Kahit Na
Ni Melchor F. Cichon
Kahit tusukin pa ang Aking laman ng araw,
Yayakapin Ko pa rin ang hapdi
Ng tatlong pakong
Imamartilyo sa Aking mga palad at mga paa
Kung iyon lang ang paraan
Upang ang mga anluwagi’y
Makiisa sa Akin.
Lunukin Ko pa rin
Ang apdo na isalangsang
Sa may putok Kong mga labi
Kung iyon lang ang pinakamagaling na paraan
Upang hugasan ang kasalanan ng sanglibutan.
Kabigin Ko pa rin
Ang pagsaksak ng sibat sa Aking tadyang
Kung iyon lang ang paraan upang mabuksan
Ang pananampalataya sa Akin.
At kung sakaling hilahin na Ako ngayon ng kamatayan,
Tatanggapin Ko pa rin ng may ngiti
Dahil sa madaling panahon
Sasama Ako sa iyo
Ng walang hanggan doon sa kalangitan
Ayon sa Banal na Kasulatan.
Thursday, January 23, 2020
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment