Total Pageviews

Search This Blog

Saturday, January 02, 2010

Uuwi Na Ako

ni Melchor F. Cichon

Uuwi na ako
Sa bahay naming see-through
Na malapit sa cell site
Ng isang cell phone company.

Babalikan ko na ang bunso ko
Hindi ko nga alam
Kung kilala pa niya ako
Dahil dumidede pa siya noon ng siya’y iwan ko.


Hindi ko rin nga alam
Kung kilala pa rin niya ang ama niya
Dahil laging sumusuray-suray
Kapag umuuwi ito.

Iiwan ko na ang entablado
Kung saan ang spot light
At neon lights ang humahaplos
Sa basa kong katawan
Kasabay ng pagdilat
Ng mga matang sabog sa wiski
At sa usok ng sigarilyo

Uuwi na ako.
Gusto ko ng marinig
Ang tinig ng bunso ko
At yakap niyang mahigpit.

Gustong-gusto ko ng marinig ito
Sa bunso ko:
Inay, magsisimba tayo
Kasama ng Tatay ko.

No comments: